Dito sa Pilipinas, maraming ipinagdiriwang na piesta opisyal tuwing buwan ng Agosto. Ngayong taong ito, nadagdagan pa ang walang pasok noong ilibing (Agosto 5) ang Pangulong Cory Aquino. Tumingin ako sa Wikipedia at nalaman ko na marami mga bansa ang nagdiriwang naman ng araw ng kanilang kalayaan tuwing Agosto. Kasama sa mga ito ang Switzerland, Bolivia, Ecuador, Pakistan, Korea, India, Indonesia, Uruguay at Malaysia.
Agosto 1, 2009 nang pumanaw si Pang. Aquino. Agosto 1, 1944 naman ng mamatay si Pang. Manuel Quezon na isinilang din sa buwan ng Agosto (19), na ipinagdiriwang naman na araw ng Quezon. Isa pang dating pangulo, si Pang. Magsaysay, ay isinilang din sa buwan ng Agosto (31).
Tuwing ika-30 naman ng Agosto ipinagdiriwang natin ang Ang Araw ng mga Bayani bagama't inililipat ang pagdiriwang sa pinakamalapit na Lunes. Sa petsang ito, inaalala natin ang Sigaw ng Pugad Lawin ng mga rebolusyonaryong Katipunero sa pamumuno ni Ka Andres Bonifacio.
Sa Agosto ipinagdiriwang ang buwan ng wika bilang paggunita sa kaarawan ni Pang. Quezon, ang kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa”. Sa mga malls sa ganitong panahon maraming mga paninda ang may kaugnayan sa ating kultura. Maraming mga t-shirts, souvenirs, at ibang memorabilia ukol sa Pilipinas ang mabibili. Mayroon ding mga maikling concerts, katuland ng isang napanood ko noong ika-29 sa SM Centerpoint, kung saan umawit si Bayang Barrios. Malayo na ang narating ni Bayang mula noong una siyang nakilala bilang kasama ni Joey Ayala at ang Bagong Lumad. Hindi na siya si Bayang na tila isang inosenteng katutubo. Naroon pa rin ang tanging kagandahan at angking talino sa pag-awit. Ngayon ay may dagdag na sopistikasyon sa kanyang imahe, kasama na rin na ang dagdag na timbang. Naroon pa rin ang katutubong tunog na napalawak naman ng idagdag sa areglo ang jazz beat.
Sa harap ng maraming suliranin sa ekonomiya, mahalagang patuloy nating bigyan pansin ang mga sariling atin. Ipagpatuloy sana natin ang pagtangkilik sa mga produktong gawa sa ating bayan. Makakatulong itong pabalikin ang sigla ng industriya at manggagawang Pilipino. Sana ay hindi magwakas ang pagbibigay pansin sa gawang Pilipino sa pagtatapos ng buwan ng pagdiriwang dito. Lalo na at papasok naman ang tinatawag na buwan ng -ber o -bre, at sa lalong madaling panahon ay kaPaskuhan naman, mamimili na naman ang sambayanan, kaya sana "Buy Philippine made products".
No comments:
Post a Comment